Sasamantalahin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tag-init upang ipatupad ang tatlong mahahalagang proyekto sa pagsasagawa ng de-clogging operation sa mga estero, iba pang daluyan, pamilihang bayan, at pagsasaayos ng lansangan laban sa mga illegal vendor sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Mahigit 400 tauhan ng MMDA ang makikibahagi sa programang “Estero Blitz” sa paglilinis ng mga estero at kanal; “Linis Palengke” na magsusulong ng kalinisan at kaayusan sa mga pamilihang bayan; at “Lingap Barangay” na maglilinis ng mga basura sa iba’t ibang barangay upang maiwasan ang sbaha.

Sisimulan ngayong Martes sa Tondo, Maynila ang kampanya na kikilos ang mga tauhan ng MMDA sa mga sangay nito sa flood control, public safety and environmental, roadside and clearing, at heavy machinery.

“Lilinisin namin ang dalawang heavily-silted estero kada araw. Tututok din kami sa mga inner waterway na matagal nang hindi nabibigyan ng atensiyon,” ayon kay Emma Quiambao, director ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Armado ng mga kalaykay, cutter, bolo at iba pang kagamitan, pakikilusin ang MMDA personnel simula 4:00 ng umaga kasama ang mga backhoe, manlifter, dump truck at iba pang heavy equipment upang hindi makaapekto sa trapiko.

Magsasagawa rin ng defogging at misting operation ang MMDA sa mga pinamumugaran ng lamok upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa matataong komunidad.

Sa Biyernes, lilipat ang operasyon ng ahensiya sa Niño Creek sa Pasay City. Ayon kay Quiambao, magtatagal ang programa hanggang Hulyo 11, 2015.