Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga negosyante o mga nag-aalok ng serbisyo na hindi ka na dapat nakikipagtawaran sa kanilang presyo...
- Manlalako ng gulay - Hindi ko lang alam sa ibang lugar ngunit sa amin, at sa iba pang komunidad, may mga naglalako ng gulay. Sinisimulan nila ang paglalako dakong alas-siyete ng umaga hanggang ala-una ng hapon – umulan man o umaraw, makulimlim man o matindi ang sikat ng araw, malamig man ang panahon o saksakan ng init – naroon sila, sumisigaw ng “Gulay! Gulay kayo riyan!” sa abot ng lakas ng kanilang tinig. Marami sa atin ang ayaw ng ganitong hanapbuhay ngunit kailangan nila itong harapin. Sa ideya lamang ang paglalako sa ilalim ng matinding sikat ng araw nangingimi na ang marami sa atin. Kaya kung ang presyo ng paborito mong talong at okra ay medyo mataas kaysa presyuhan sa talipapa, huwag ka nang makipagtawaran sapagkat nakatipid ka na sa maraming bagay – ang maglaan ng oras at sarili para magpunta sa magulo, mabaho at mataong palengke (at kung minsan mapanganib din).
- Sapatero at gumagawa ng payong – Di tulad ng mga manlalako ng gulay, may tiyak na puwesto ang mga sapatero at gumagawa ng payong. Sila ang mga nagkaroon ng angking galing sa pagre-repair ng sapatos at payong upang mapanatiling matibay ang mga iyon. Dahil sa tibay ng kanilang gawa, malamang na matagal bago ka pa magbalik para magpa-repair ng ibang sapatos/payong. At dahil doon, hindi sila gaanong kumikita – maliban na lamang kung tutularan nila ang manlalako ng gulay ngunit ang sisigaw nila ay “Gumagawang payooong!” o “Sapatooos!” sa tinig na nakatutuwa na talagang nakatatawag-pansin. Kaya kung namamahalan ka sa singil nila sa pagkakabit ng takong sa iyong sapatos, sa isip mo lang iyon. Aba, mahirap maglakad ng iisa lang ang takong, ‘no!”
- Tubero, electrician, karpintero ● Kapag prinesyuhan ka ng tubero, electrician, o ng karpintero, malamang na iyon nga ang tamang presyuhan sa kanilang industriya. Hindi na siguro kailangang ipaliwanag pa kung bakit hindi ka na dapag makipagtawaran sa kanila. Suriin mo na lang ang resulta ng mga ipinagawa mo at alamin kung kukunin mo pa ang kanilang serbisyo sa susunod na mangailangan ka.