Upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga pasahero, gagamit na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng mga bagong navigational guidance system sa Cebu-Mactan International Airport upang magabayan ang mga piloto sa runway tuwing masama ang panahon o nakararanas ang mga ito ng poor visibility sa paliparan.
Sinabi ni CAAP Director General William Hotchkiss III na papalitan na ng bagong navigational guidance system ang Doppler VHF Omni-Directional Radio Rang at Distance Measuring Equipment (DVOR/DME) na ikinabit sa Cebu airport noong 1993 matapos lagdaan ang kontrata ng CAAP at Philcox Phils., Inc./ Indra Australia Pty., Ltd. na ginanap sa CAAP board room kamakailan.
Ang DVOR/DME ay isang uri ng short-range radio navigation system na nakatutulong sa mga eroplano upang matukoy ang posisyon nito at mapanatili ang tamang direksiyon sa pamamagitan ng mga radio signal na nagmumula sa fixed ground radio beacon gamit ang radio frequency sa very high frequency (VHF) band.
Ang kontrata sa pagbili ng makabagong kagamitan na nagkakahalaga ng P48,727,112.85, ay dumaan sa public bidding at nanalo ang Indra Australia Pty. Ltd. sa pakikipagtambalan sa Philcox Philippines, Inc.
Nakasailalim sa kontrata ang supply, delivery at flight check ng DVOR/DME system.
Kabilang sa proyekto ang mga sumusunod: (a) pagtatanggal ng kasalukuyang DVOR/DME system, underground power, at data cable; (b) paglalagay ng bagong underground power at fiber optic cable; (c) miscellaneous grounding, electrical, at mechanical tulad ng nakalarawan sa mga drawing; at (d) rehabilitasyon ng kasalukuyang Doppler VOR counterpoise at shelter system.