“Pagmamahal sa mga anak, kasipagan at katapangan.”

Ganito inilarawan ni Makati City Mayor Jejomar C. Binay ang tatlong lola na nagsilbing inspirasyon sa kabataan ng siyudad matapos sila makatanggap ng tig-P100,000 cash gift mula sa lokal na pamahalaan sa pagsapit ng kanilang ika-100 kaarawan.

Kabilang sa tatlo ay si Rizalina B. Cardeñas ng Barangay Dasmariñas na laking tuwa nang matanggap mula sa punongbayan ang tseke na nagkakahalaga ng P100,000 matapos niyang idaos ang kanyang ika-100 kaarawan noong Disyembre 30, 2014.

Sa pamamagitan ng regular na pagdarasal, nabiyayaan ng mahabang buhay ni Cardeñas kung saan ang kanyang yumaong asawa na si Dr. Maximo Cardeñas ay isang dating miyembro ng USAFFE na napatay noong World War 2.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Samantala, nabiyayaan din ng Makati City government ang isa pang centenarian na si Irene R. Carillo, na ipinanganak noong Oktubre 18, 1914 sa Maragondon, Cavite City.

Ang sikreto ni Carillo sa mahabang buhay – walang bisyo.

Isang retiradong pharmacist, nabiyayaan si Carillo ng apat na anak na sina Tomasita (pumanaw na), Jane, Dolly at Mila. Ang kasalukuyang pinagkakaabalahan ni Lola Irene ay ang pagbabasa ng dyaryo at panonood ng telenovela bukod sa regular na pagdarasal.

Ang ikatlong centenarian na pinarangalan ng Makati government ay si Paz D. Garcia, na hindi nakadalo sa awarding ceremony dahil sa kanyang Alzheimer’s disease.

Isang dating factory worker sa Binondo, naitawid ni Lola Paz ang kanyang tatlong anak na babae na makapagtapos ng vocational courses.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 21 ang bilang ng centenarian sa Makati na nabiyayaan ng tig-P100,000 ng city government sa pagsapit ng kanilang ika-100 kaarawan.