Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang sentensiya sa dating police captain na si Reynaldo Jaylo at dalawang iba pa kaugnay ng pagpatay sa tatlong suspek sa ilegal na droga, na pinangunahan ni Army Col. Rolando de Guzman, sa isang drug sting operation sa Makati noong Hulyo 1990.

Sa 15-pahinang desisyon na isinulat ni SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, pinagtibay ng SC First Division ang una nang hatol ng Sandiganbayan na nagsasabing sina Jaylo, Pfc. William Valenzona at Antonio Habalo Jr. ay guilty sa kasong homicide sa pagpatay kina de Guzman, Franco Calanog, at Avelino Manguera at sinentensiyahang makulong ang tatlo.

Sina Jaylo, Valenzona at Habalo Jr. ay nananatili pa ring pinaghahanap matapos mag-jump bail nang iproklama ng anti-graft court na homicide ang kanilang kaso.

Matapos ibasura ang apela ng mga akusado, sumang-ayon ang kataas-taasang korte sa Sandiganbayan na hindi maaaring mapagbigyan ang hiling ng mga defendant dahil sa pagkabigo ng mga ito na humarap sa korte nang ibaba ang hatol sa kabila ng pagbibigay ng official summons.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Ipinakikita ng mga record na ang kaso laban kay Jaylo at sa mga kasamahan niya ay nagmula sa planadong drug sting operation noong gabi ng Hulyo 10, 1990 sa isang parking lot sa Magallanes, Makati City na kinabibilangan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), Western Police District at ilang undercover agents ng United States Drug Enforcement Agency (DEA).

Ang plano ay bibili ang awtoridad ng 10 kilo ng heroin kay de Guzman at sa mga kasama nito at aarestuhin sila ngunit matapos umalis ang DEA ay walang habas na pinatay ang mga suspek, ayon sa prosekusyon. Iginiit ng kampo ni Jaylo na tumanggi umanong sumama ang mga suspek at binaril umano ang mga pulis.

Abril 2007 nang hinatulan ng Sandiganbyan ang mga akusado ng 14 na taon at walong buwang pagkakakulong at inutusan ding bayaran ang bawat biktima ng P50,000 at akuin ang halaga ng litigasyon.