Maghaharap ngayon ang mga pinakamagagaling na cue artists sa buong mundo, na kinabibilangan ng kabuuang 128 manlalaro, upang angkinin ang prestihiyosong titulo ng 2015 MP Cup World 10-Ball championship sa SM City Activity Center sa General Santos City.

Sisimulan ang tournament proper sa Pebrero 17 kapag nagsidatingan na ang lahat ng kalahok. Gayunman, sisimulan ngayon para paglabanan ang 16 na silya sa isasagawang dalawang araw na eliminasyon.

Magsasagupa naman ang pinakamagagaling sa silangang bahagi ng bansa upang tangkaing iuwi ang premyo at pagkakataong kilalanin bilang world champion.

Nalampasan na ni Chang Yu Lung ng Taiwan si Niels Fiejen ng Netherlands bilang bagong world No. 1. Dahil dito, itinakda siya bilang top seed sa torneong itinataguyod ni boxing superstar Manny Pacquiao, ang natatanging eight-division world champion na mahilig din sa bilyar at kayang sumabay sa pinakamagagaling.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Matagal nang pinaghandaan ni Pacquiao ang torneo.

Darating din si Darren Appleton ng Great Britain, Albin Ouschan ng Austria para bitbitin ang Europe kasama sina Nick Ekonomopoulos ng Greece, Thorsten Hohmann ng Germany at Radoslaw Babica ng Poland na paborito para sa titulo matapos makasama sa Top 10 list ng World Pool-Billiard Association na nagbigay basbas sa torneo.

Pamumunuan naman nina Dennis Orcullo at Carlo Biado ang homegrown bets na inaasahang makikipagsabayan upang pigilan ang mga dayo na maitakas ang nakatayang world title. Si Orcullo at Biado ay kapwa nasa Top 10.

Kabilang din sa sasabak ang maalamat na dating world champion na si Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante at Ronato “Ronnie” Alcano, na makakasama ang mga world-ranked Pinoy cue artist na sina Johann Gonzales Chua, Raymund Faraon, Warren Kiamco at Elmer Haya.

Kabuuang $300,000 premyo ang nakatakda para sa lahat ng magwawagi sa Manny Pacquiao Cup International 10-Ball Doubles tournament na isinama sa listahan bilang world event na magsisimula sa Peb. 22 hanggang 26.