Laro ngayon: (Dipolog City)

5 pm Purefoods vs. Rain or Shine

Pagsosolo sa liderato ang pupuntiryahin ng defending champion Purefoods sa pagsagupa sa Rain or Shine sa isang road game sa Dipolog City sa pagpapatuloy ngayon ng elimination round ng 2015 PBA Commissioner's Cup.

Sa ganap na alas-5:00 ng hapon magtutuos ang Star Hotshots at Elasto Painters sa Dipolog Sports Complex and Events Center sa Zamboanga.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ikalimang dikit na panalo ang hangad ng Purefoods upang humiwalay sa kasalukuyang pagsasalo nila ng Meralco habang makabalik naman sa winning track ang nais ng Rain or Shine matapos bumagsak sa ikalawang pagkabigo sa nakaraan nilang laban kontra sa Meralco na nagbaba sa kanila sa ikaapat na puwesto na hawak ang barahang 2-2 (panalo-talo).

Sa nasabing pagtatagpo, kapwa sasailalim sa matinding obserbasyon ang reinforcement ng dalawang koponan na sina Daniel Orton para sa Star Hotshots at Rick Jackson sa Elasto Painters.

Papatunayan ni Orton, na nagtala ng 16 puntos, 12 rebounds at tig-3 assists at blocks, ang kanyang debut game kontra sa NLEX kung siya ba ay karapat-dapat sa koponan kung saan ay pinalitan nito ang na-injured sa balikat na si Marqus Blakely.

Mas mabigat naman ang sitwasyon ni Jackson na nagtala ng average na 21.3 puntos, 16.5 rebounds at 3.8 assists sa unang apat na laro ng Rain or Shine dahil ito na ang laro kung saan ay dadaan siya sa kaukulang 'evaluation' kung mananatili pa siya bilang import ng koponan o papalitan na siya ng standby import nilang si Wayne Chism na hindi agad nakuha ng Elasto Painters dahil sa natagalan itong nakuha ang kanyang release papers sa ligang nilaruan sa Israel.

"It's still an evaluation period, nobody is safe especially the import," ani Rain Or Shine coach Yeng Guiao.

Para naman kay Orton, bagamat impresibo ang kanyang panimula, siya mismo ang nagsabi na marami pa siyang dapat na mapatunayan dahil nakakaisang laro pa lamang siya sa PBA.