Inirekomenda ng konseho ng Maynila na suspendihin ang isang dating barangay chairman dahil sa umano’y “ghost construction” ng barangay hall sa kanilang lugar.

Dahil sa kasong grave misconduct, anim na miyembro ng Manila City Council ang nagrekomenda na suspendihin si Amparo L. Catindoy, kagawad ng Barangay 778, Zone 85, Fifth District.

Si Catindoy ay dating barangay chairman ng lugar nang maglabas ng pondo ang pamahalaang lungsod para sa pagpapatayo ng barangay hall na hanggang ngayon ay hindi pa naisasakatuparan.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong administratibo na inihain ng kasalukuyang chairman ng barangay na si Virgilio P. Dacara.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Base sa Summary of Preliminary Investigation Section, idinahilan ni Catindoy ang pagkakaantala sa konstruksiyon ng barangay sa pamumulitika ng kanyang mga kalaban.

“She further avers that most of the materials were either lost or has deteriorated which is one of the reasons why she cannot immediately comply with the turn-over of barangay properties and documents,” saad sa dokumento.

Ayon sa recommendatory disposition ng reklamo, may sapat na ebidensiya upang papanagutin si Catindoy sa grave misconduct sa pamamagitan ng pagtanggal sa kanya sa puwesto.

Subalit aminado ang konseho na wala itong kapangyarihan upang magpatalsik ng opisyal ng barangay kaya nagpasya itong suspendihin na lang nang anim na buwan na walang sahod at benepisyo si Catindoy.