Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na 11 sa 56 katao na natukoy na nagkaroon ng close contact sa Pinay nurse na nagpositibo sa sakit na Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV), ang nakitaan ng sintomas ng nakamamatay na sakit, kabilang na ang kanyang asawa .
Ayon kay acting Health Secretary Janette Garin, ang 56 katao na nakalapit sa pasyente ang isinailalim sa unang bugso ng pagsusuri at nagnegatibo na sa sakit.
Gayunman, ang 11 sa kanila na nakitaan ng sintomas ng MERS-CoV at kinailangan pang isailalim sa serye ng confirmatory test.
Kabilang sa mga ito ang asawa ng Pinay nurse at 10 katao na mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City, kung saan unang na-confine ang Pinoy nurse na pasyente simula pa noong Miyerkules.
Sinabi ni Garin na mas sinuri ang asawa ng pasyente dahil sa matinding ubo nito ngunit nilinaw naman na posible namang ibang sakit ang dumapo sa lalaki tulad na lamang ng pneumonia.
Inaasahan namang lalabas ang resulta ng confirmatory test bago matapos ang kasalukuyang linggo.
Ayon kay Garin, sa kasalukuyan ay stable na ang kondisyon ng Pinay nurse ngunit mahigpit pa rin nila itong binabantayan matapos matuklasang buntis ito.