Nilagpasan ng Makati government ang 8.8 percent revenue target nito para sa 2014 matapos makakolekta ng P12.79 bilyon mula sa business at realty tax sa siyudad.

Sinabi ni Makati City Treasurer Nelia Barlis na makatitiyak ang business community ng Makati ng mga bagong programa at serbisyo mula sa pamahalaang siyudad bunsod na malaking pondo na kanilang nakolekta para sa 2015 budget na P12.2 bilyon.

Ayon kay Barlis, tuluy-tuloy ang paglago ng koleksiyon sa buwis nitong nakaraang 28 taon kahit pa nakararanas ng pagbagal ng usad ng ekonomiya ang bansa sa ilang okasyon bunsod ng krisis sa pananalapi at pulitika.

Aniya, nananatili ring deficit-free ang Makati nitong nakaraang dalawang dekada.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Iginiit pa ng opisyal na nananatiling malakas ang investor confidence sa siyudad dahil sa patuloy ng paglakas ng ekonomiya ng Makati City bunsod ng pagtaas ng koleksiyon sa buwis.

Noong 2014, umabot sa 4,618 ang nagparehistro sa Makati Business Permits Office ng mga bagong establisimiyento.

Sinabi rin ng city treasurer na ang ambag ng siyudad sa national government o Internal Revenue Allotment ay umabot na sa P769 milyon, o anim na porsiyento mula sa kabuuang kita. “Makati is among the few local government units in the country that are not dependent on the IRA,” pahayag ni Barlis.