Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isang Pinay nurse na umuwi sa Pilipinas mula Saudi Arabia ang nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrom-Coronavirus (MERS-CoV), isang nakamamatay na sakit.

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, Pebrero 1 nang dumating sa bansa ang 32-anyos na nurse mula sa pagtatrabaho sa Saudi.

Tumangging pangalanan ng DoH ang Pinay nurse upang maproteksiyunan ang pasyente at kanyang pamilya.

Nitong Pebrero 10 na-confine ang biktima sa isang negative pressure room sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

“Testing was done on the patient and yielded positive results. The patient is currently confined in a negative pressure room at RITM. Patuloy syang sinusubaybayan ng ating mga doctors at health workers,” ayon kay Garin.

Nasa stable naman na kondisyon sa ngayon ang pasyente.

Nagsasagawa na rin ang DoH ng contact tracing sa iba pang pasahero na nakasabay nito sa biyahe pag-uwi sa Pilipinas bagamat nilinaw ng mga eksperto na maliit naman ang posibilidad na nahawahan ang mga ito.

Matatandaang noong Setyembre 2014 ay may isa na ring Pinay nurse na unang naiulat na nagpositibo sa MERS-CoV.

Nasa Pilipinas na ito nang lumabas ang positibong resulta ng test sa Saudi Arabia.

Mapalad namang nagnegatibo ang pagsusuri sa naturang Pinay nurse nang isailalim ito sa panibagong pagsusuri sa bansa.