Sa lumabo-luminaw na paglalahad ng mga pangyayari kaugnay ng malagim na sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao, nahiwatigan ang mistulang pagtataksil sa panig ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang nabanggit na hindi kabutihang-asal ay nagbunga ng kamatayan ng ating mga bayaning miyembro ng Special Action Forces (SAF) ng Philippine National Police (PNP). Hindi ba ang pagpapaumat-umat na pagsaklolo ng AFP sa kanilang mga kabaro sa PNP ay isang anyo ng pagtataksil sa kanilang sinumpaang tungkulin? Hindi ba sila ang dapat nangunguna sa pangangalaga sa kaligtasan ng sambayanan, lalo na sa mga nasusuong sa panganib na tulad nga ng SAF?
Sa pagtatanong na halos nanggagalaiting mga Senador sa mga opisyal ng militar, halatang-halata ang pagtatakipan at pagtuturuan sa isyu hinggil sa koordinasyon at pagbibigay ng saklolo sa pinapatay ng mga Heroic 44. Kahabag-habag ang nabanggit na mga bayani. Naging biktima na ng kanilang mga kalabang rebelde ay naging biktima pa ng tandisang pagkakait ng saklolo ng AFP. Ang ganitong mga pananaw ay paulit-ulit na ibinabandila ng mga mambabatas at maging ng halos lahat ng sektor ng sambayanan.
Ganito rin ang ipinamalas na umano’y pagtataksil ng MILF sa mga probisyon ng peace agreement. Sa kabila ng pag-iral ng ceasefire o tigil-putukan, buong-galit pa nilang pinaputukan ang mga bayaning SAF. May mga sapantaha na naging katuwang pa nila sa kalupitan ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kahit paulit-ulit nilang itinatatuwa na ang naturang grupo ay mahigpit nilang kalaban. Gayunman, nalantad pa rin ang sinasabing pagka-traidor ng ilang miyembro ng MILF.
Sariwa pa sa aking gunita ang malagim na kamatayan ng 45 sundalo at isang Heneral ng AFP, maraming taon na ang nakalilipas. Sa isang inihandang dayalogo sa Patikul, Sulu, dumalo ang ating mga kawal na walang taglay na armas. Biglang dumating ang kanilang counterpart na mga rebeldeng Muslim na may bitbit na mga baril at bigla na lamang silang sabay-sabay na pinaputukan. Nangamatay ang lahat ng sundalo, kasama si Gen. Teodolo Natividad. Ito ang larawan ng pagtataksil na umano’y ipinamalas ng ilang sektor ng AFP at ng MILF.