Nagbabala ang beteranong miyembro ng Team Philippines track team na si Alfie Catalan sa mga kapwa niya atleta at maging sa komunidad matapos na pigilang makaalis ng bansa at imbestigahan sa isang napakabigat na kaso dahil lamang sa pagkakapareho ng kanyang buong pangalan.

Nanghinayang si Catalan, multi-medalist sa track event at maraming beses nang iprinisinta ang Pilipinas sa mga internasyonal na torneo, matapos na hindi makasama sa tatlo-kataong PH Track Team na lumahok sa ginanap na Olympic qualifying na Asian Cycling Championships (ACC) sa Nakhon Ratchisima, Thailand.

“Nakapanghihinayang po kasi malaki ang chance natin na makapag-uwi uli ng medalya,” sinabi ng 32-anyos na Corporal mula sa Philippine Army na si Catalan matapos na i-hold ng Immigration bunga ng pagkakasali nito sa listahan ng mga taong nasa hold departure oder dahil sa pagkakaroon ng isang kasong kriminal.

Dapat sana’y nakaalis si Catalan kasama ang teammate na sina Arnel de Jesus at John Paul Morales at national coach na si Carlo Jazul noong Lunes subalit hindi ito nakasama matapos na may nakapangalan siyang personahe na pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa kasong rape.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Si Catalan ay kasalukuyang lumalahok ngayon sa Visayas qualifying event ng Ronda Pilipinas 2015.

Ipinaliwanag ni Catalan na agad din naayos ang identity duplication matapos ang mahabang beripikasyon subalit hindi na niya kaya pang humabol sa delegasyon ng Pilipinas upang sumabak sa torneo kung saan ay nakataya ang puntos para sa silya sa kada apat na taong 2016 Rio de Janeiro Olympics sa Brazil.

Huling ipinamalas ni Catalan ang kanyang husay matapos na idepensa ang kanyang titulo sa 2011 SEA Games sa pagwawagi sa 4,000-meter individual pursuit event. Ang gintong medalya ay ang ikatlo ni Catalan matapos na magtagumpay noong 2013 sa Thailand at noong 2005 sa Manila.