COTABATO CITY – Inamin ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nasa pangangalaga ng grupo ang sampung malalakas na kalibre ng armas na nabawi ng mga BIFF fighter mula sa mga napatay na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa naganap na engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

“Mayroon kaming nakuha na sampung armas sa mga namatay na SAF (special action force),” pahayag ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF sa panayam ng radyo DzRH kahapon ng umaga.

“Hindi kami baliw na ibalik sa mga kalaban ang nakuha naming armas,” pahayag ni Mama nang tanungin kung ibabalik ng grupo sa gobyerno ang armas ng mga napatay na commando.

“Gusto pa nga naming na isuko pa ng SAF sa amin ang iba pa nilang sandata…kase sila ang mga terrorista,” dagdag ni Mama.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ito ay kabila ng naunang deklarasyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang posibilidad na ibabalik ng mga rebeldeng sesesyunista ang mga armas ng PNP-SAF bilang patunay na sinsero ang kanilang grupo na isalba ang usapang pangkapayapaan sa gobyerno.

Ayon kay Mama, hindi niya tinututulan ang plano ng MILF na ibalik ang armas ng mga napatay na commando subalit hindi ito gagawin ng BIFF.

“Kalaban namin ang gobyerno na nakikipag-usap sa MILF para sa panibaging autonomy. Sa parte namin, independence ang gusto namin,” pahayag ng lider ng BIFF sa hiwalay na panayam.

Bagamat nagkakaiba sa prinsipyo at layunin sa kanilang pakikibaka sa gobyerno, iginiit ni Mama na may respeto ang BIFF at MILF sa isa’t isa dahil ang mga tauhan ng dalawang grupo ay magkakapatid na Muslim.

Una ring umapela si PNP Officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina sa MILF at BIFF na ibalik ang armas ng mga napatay na commando bilang pagpapakita ng kanilang sinseridad sa prosesong pangkapayapaan.