Iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang ilang personalidad na sinasabi ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na tumanggap ng pera mula sa detinadong negosyante na si Janet Napoles sa pamamagitan ni suspended Senator Jinggoy Estrada.
Ayon kay Assistant Ombudsman Asryman Rafanan, may fact-finding investigations nang ginagawa ang ahensiya laban kina Carl Dominic Labayen, Juan Tan Ng at Francis Yenko na sinasabing “dummies” ni Estrada.
Si Estrada ay inakusahang nagkaroon ng P183.79 milyon kickback sa kanyang pork barrel na ipinondo sa pekeng NGO ni Napoles.
Sinasabi sa AMLC report na ang bulto ng kickback ni Estrada ay nakuha nito sa pamamagitan ng kanyang mga dummy.
Ang bayaran ay ginawa sa loob ng 30 araw na nakatala naman sa ledger ng whistleblower na si Benhur Luy.
Napag–alaman sa AMLC report na ang fund transfers mula kay Napoles na may halagang P86.875 milyon ay napunta sa bank account nina Ng at Yenko.
“These persons were not implicated in the PDAF cases early on. We will follow proper procedures; they will be invited to answer questions. We will allow them all opportunity to present their side,” saad ni Rafanan .
Sa kasalukuyan, ang assets ni Estrada na kinapapalooban ng naturang halaga ay pinasusupinde ng Ombudsman.