IPAGPATULOY natin ang ilang mga bagay na nais iparating sa iyo ng mga gym instructor o manager kung gagamit ka ng kanilang pasilidad sa unang pagkakataon (kahit regular ka na roon).
- Huwag kang suwapang sa gym equipment. – Siyempre, hindi malayong magkaroon ka ng favorite equipment sa gym at talagang nakakatuksong gamitin iyon nang paulit-ulit lalo na kung nakikita mo na ang resulta ng iyong pag-eehersisyo. Ngunit may ilan sa iyong mga kasama ang nais ding gumamit ang iyong favorite equipment kaya medyo kalagan mo ang mahigpit mong pagkakahawak doon.
- Huwag mong pakialaman ang ginagawa ng iba. – Kahit expert ka sa larangan ng sports o gym, wala ka sa posisyon upang payuhan ang isang nag-eehersisyo, lalo na kung gumagamit ito ng isang partikular na equipment. Hayaan mong ang mga gym instructor ang magsabi o magturo sa kanya ng tamang paggamit ng equipment at pag-eehersisyo. Iwasan mo ring alamin ang pinag-uusapan ng iba.
- Huwag kang mamasyal sa loob ng gym. – Kung hindi ka rin lang gym instructor o champion body builder, iwasang maglakad-lakad sa loob ng gym na parang pinanonood mo ang ginagawa ng iba. Baka mapagkalaman kang magnanakaw.
- Darating ka sa klase sa takdang oras. – Kung late kang dumating para sa cardio o zumba class, sa likuran ka na maghabol at sikaping huwag abalahin ang mga nag-eehersisyo na.
- Huwag maligo sa pabango. – Hindi magandang kombinasyon ang pawis at pabango sa may-amoy nang gym. May ilang tao na sensitibo sa pabango dahil naaamoy rin nila ang buong pagkatao mo. Huwag ka nang magpabago kung pupunta ka sa gym pero huwag kalimutang mag-deodorant.
- Punasan mo naman ang equipment na ginamit mo. – Sa totoo lang, nakakadiring gamitin ang isang pawisang equipment. Kaya bago mo bitiwan ang equipment, punasan mo ang pawis mong tumulo roon bilang paggalang sa susunod na gagamit.