Kailangang ihanda ni Police Director General Alan Purisima ang sarili para sa ilang imbestigasyon habang dapat namang sumunod na magbitiw sa tungkulin si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.

Ito ang sinabi ng administration solon na si AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocable, sinabing dapat na maghanda si Purisima sa pagharap sa iba’t ibang imbestigasyon kaugnay ng madugong engkuwentro sa Mamasapano noong Enero 25, matapos itong magbitiw bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

“He should enjoy his early retirement/vacation by alternately resting and preparing for numerous, successive hearing he will be attending in different fora,” saad sa text message ni Batocabe.

Nagbitiw sa tungkulin ang suspendidong PNP chief halos dalawang linggo matapos ang pagpatay sa 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force (SAF) sa sinasabing misencounter sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa nasabing bayan sa Maguindanao.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Sinabi sa mga ulta na si Purisima ang nagpatakbo sa misyon, na hindi dapat mangyari dahil pinatawan ng anim na buwang preventive suspension order ng Office of the Ombudsman ang hepe ng PNP.

Bukod sa Senado, ang House of Representative (HOR), Office of the Ombudsman, Commission on Human Rights (CHR) at PNP (sa pamamagitan ng Board of Inquiry nito) ay planong magsagawa ng kani-kanyang imbestigasyon sa insidente.

Ilang mambabatas na rin ang nagmungkahi na magkaroon ng isang independent body o “Truth Commission” na magsusuri sa sensitibong isyu.

Naniniwala naman si 1-BAP Party-list Rep. Silvestre Bello III na may ibang opisyal, posibleng mula sa Cabinet, ang susunod sa ginawa ni Purisima sa patuloy na paghiling ng publiko para panagutan ang brutal na pagkamatay ng mga tauhan ng SAF.

“Palagay ko may susunod,” sabi ni Bello, isang Minority, sa isang panayam.

Sinabi ni Bello, isang dating Justice secretary, government peace panel negotiator at solicitor general, na dapat na magbitiw na rin sa tungkulin si Roxas.