Tatlong matataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) ang nadakip ng awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Bacolod City at sa Davao del Sur nitong Huwebes at Biyernes.

Natunton ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang hotel sa Bacolod City noong Huwebes si Miguel Omayao, 33, sinasabing dating opisyal ng Communist Party of the Philippines (CPP)-West Central Mindanao front.

Sinabi ni CIDG Director Benjamin Magalong na nahaharap si Omayao sa ilang kasong kriminal, kabilang ang pag-ambush sa isang grupo ng mga sundalo sa Misamis Occidental noong 2010.

May P550,000 patong sa ulo si Omayao, ayon kay Magalong.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa bisa ng arrest warrant, dinakip ng grupo ni Supt. Danilo Macerin si Omayao dakong 7:30 ng gabi nitong Huwebes sa Business Hotel and Restaurant sa Bacolod.

“Nagtatrabaho siya ngayon bilang sales agent sa isang construction company sa Bacolod City. Mula rito ay nagawa naming matunton siya,” ani Macerin.

Samantala, kapwa suspek naman sa kidnapping ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar na sina Raunil Nudalo Mortejo, alyas Nestor o Angkol; at Jasmin Castor Badilla, alyas Antali.

Sinabi ni 1Lt. Vergel U. Lacambra, hepe ng Public Affairs Office (PAO) ng Southern Mindanao 10th Infantry (Agila) Division ng Philippine Army, na nadakip sina Mortejo at Badilla sa inuupahan nilang bahay sa Barangay Sinaragan sa Matanao, Davao del Sur.

Inaresto ang dalawa sa bisa ng mga warrant of arrest sa kidnapping, serious illegal detention, at robbery with violence na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 3 sa Nabunturan, Compostela Valley, ayon kay Lacambra.

Nadakip ang mga suspek dakong 3:20 ng hapon noong Biyernes.

Sa pahayag na ipinalabas kahapon, sinabi ni Lacambra na si Mortejo ang leader ng NPA unit na dumukot kay Staff Sergeant Bienvenido Arguilles Jr. ng 25th Infantry Battalion noong Hunyo 19, 2010 sa Crossing Matabas, Sitio Depo, Barangay Ulip sa Monkayo, Compostela Valley.

Sangkot din umano si Mortejo, umano’y commanding officer ng Pulang Bagani Yunit-8, sa pagpatay noong Oktubre 12, 2014 sa dalawang sundalo ng 67th Infantry Battalion na sina Corporal Oliver A. Parcon at Private Adan M. Mamalinta sa Sitio Kasunugan, Barangay Mahan-ub, Baganga, Davao Oriental, ayon kay Lacambra.

Suspek naman umano si Badilla, sinasabing pinuno ng Regional Medical Staff ng NPA-Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), sa pagnanakaw nang may pananakot kay Efren Cagumbay, barangay chairman ng Mampising CARP Beneficiaries Multi-purpose Cooperative sa Bgy. Tagnanan, Mabini, Compostela Valley, ayon kay Lacambra.

Sinasabing ikinasal sina Mortejo at Badilla sa seremonyang CPP.