Itinadhana ang pagkamatay ng 44 miyembro ng SAF. Totoo na tumutupad sila ng tungkulin at isinasagawa nila ang mapanganib na misyon nang sapitin nila ang kanilang kamatayan. Pero, kaalinsabay nito ay pagganap nila ng napakahalagang papel para sa kanilang organisasyon. Napakababa na ng pagtingin ng mamamayan sa PNP bago sila mapatay. May kabaro kasi sila na sa ibang paraan ginagamit ang baril na ipinagkaloob sa kanila para gampanan ang kanilang tungkulin. Sa halip na gamitin ang kanilang kapangyarihan para ipagtanggol ang mamamayan, ginagamit nila ito para pinsalain sila. Sa halip na pangalagaan nila ang katahimikan at kaasyusan ng pamayanan, ginugulo nila ito.
Ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan para sa kanilang pansariling interes. Nangho-holdap, nangongotong, pumapatay para kumita, nanggagahasa at ginagamit mismo ang kanilang opisina para gawin doon ang kanilang krimen. Ang iba naman ay kung hindi nagtutulak ng droga, ay nag-aalaga ng mga nagtutulak ng droga, protector ng drug at prostitution den. Kasabwat nila ang mga kriminal sa paggawa ng krimen. Kaya, takot na lumapit ang mamamayan para hingan ng tulong ang mga kapwa ng mga namatay na SAF commando.
Pero sa kanilang pagkamatay lumabas ang kabilang mukha ng PNP. Ang uri ng PNP sa pinakamagandang katangian nito. Ang tahimik pala nitong mga kasapi kagaya ng mga SAF commando ay nakahandang magbuwis ng buhay sa paglilingkod sa bayan. Namatay ang 44 miyembro ng SAF sa pagtupad ng kanilang tungkuling mapangalagaan ang katahimikan ng bayan at maproteksyunan ang mamamayan laban sa mga naghahasik ng takot at kamatayan. Sa pagkamatay nila, naungkat ang kanilang personal na buhay. Mabuti at mapagmahal silang anak, kapatid, ama at kamag-anak.
Buo ang kanilang pamilya na nakita nating lubos ang pagdadalamhati sa kanilang pagpanaw. Tinubos nila ang PNP sa pagkapariwara. Sila ang nagpakasakit sa kasalanang ginawa ng kanilang mga kasamahan sa bayan. Nag-iwan sila ng magandang halimbawa para pamarisan ng iba hindi lamang ng kanilang mga kabaro kundi maging lahat ng mga nasa gobyerno.