Hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon ni Undersecretary Mario Relampagos ng Department of Budget and Management (DBM) na ipatigil ang pagdinig sa walong kaso ng katiwalian na inihain laban sa kanya sa Sandiganbayan kaugnay sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Ayon kay Supreme Court Spokesman Theodore O. Te, ibinasura ang petisyon ni Relampagos na maglabas ang korte ng temporary restraining order (RTO) sa ginanap na full court session noong Martes.

Subalit hiningan pa rin ng Korte Suprema ang Sandiganbayan ng komento sa loob ng 10 araw hinggil sa desisyon nito sa petisyon ni Relampagos.

Sa kanyang petisyon, kinuwestiyon ni Relampagos ang utos ng Sandiganbayan Third Division na nagbasura sa kanyang plea to quash the finding of probable cause kaugnay sa mga kasong kanyang kinahaharap sa pork barrel fund scam.

National

405 sa 677 umano'y benepisyaryo ng confi funds ni VP Sara, walang record sa PSA

Bukod kay Relampagos, kinasuhan din sa Office of the Ombudsman ang kanyang mga staff na sina Lalaine Paule, Marilou Bare at Rosario Nuñez.

Nagsilbi umanong mga contact ni Janet Lim Napoles, itinuturong utak ng pork barrel scam, ang grupo ni Relampagos sa pagpapalabas ng Special Allotment Release Orders (SARO) at Notice of Cash Allocation para sa paglalaan ng pondo mula sa PDAF ng mga mambabatas.

Labing anim na kasong katiwalian ang inihain laban kay Relampagos subalit walong reklamo na ang ibinasura ng Office of the Ombudsman.