Walang hindi naghahangad ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao na dantaon nang ginigiyagis ng kaguluhan. Mula pa noong paghahari ni Kamlon, hindi humuhupa ang mga karahasan sa panig na iyon ng kapuluan.

Subalit sa naganap na malagim na sagupaan kamakailan sa Mamasapano, Maguindanao, talaga yatang imposible nanag matamo ang pinapangarap nating lasting peace sa Mindanao. Isipin na lamang na ang nagsagupa na humantong sa kamatayan at pagkakasugat ng marami ay hindi mga dayuhan kundi mga kapwa Pilipino.

Sinasabing nanguna pa sa labanan ang mga Miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang grupo ng mga rebelde na gumanap pa naman ng mahalagang papel sa pagkakalagda ng peace agreement ng ating gobyerno at ng naturang grupo. Isang malaking kabalintunaan na sila pa ang sinasabing nanguna sa naganap na madugong sagupaan.

Bigla kong naalala ang pahayag kamakailan ni dating Presidente Erap Estrada na ngayon ay alkalde ng Maynila: Hindi mapagkakatiwalaan ang MILF na laging lumalabag sa kasunduang pangkapayapaan. Maliwanag na ito ang kanyang naranasan nang siya ay nakikidigma sa iba’t ibang grupo ng mga rebelde sa Mindanao.

National

Kamara, nagdeklara ng suporta kay PBBM: ‘Let us rally behind our President!’

Talagang masyadong umiilap ang kapayapaan sa Mindanao. Ispin na lamang na kamakailan, matatag ang paninindigan ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF): Sila ay patuloy na maglulunsad ng mga pagsalakay sa iba’t ibang panig ng Mindanao. Bukod pa rito ang lihim na plano ng Moro National Liberation Front (MNLF) na bunsod marahil ng pagbalewala sa kanila sa isinagawang peace process.

Isa pang malaking hadlang sa pagtatamo ng tunay na kapayapaan sa nabanggit na rehiyon ang tila malabong pagpapatibay ng Bansamoro Basic Law (BBL). Sa pagdinig na isinasagawa sa Kongreso, iisa ang lumiliwanag na paninindigan ng mga awtoridad: Ang BBL ay labag sa Konstitusyon.

Dahil dito, at sanhi ng lumulubhang labanan sa Mindanao, halos imposible na ang pinapangarap nating kapayapaan sa Mindanao.