Nang tila wala nang pag-asa para sa kampanya ng bansa at ilang araw na lamang ang natitira sa 17th Asian Games sa Incheon, South Korea, sumulpot mula sa kung saan ang BMX rider na si Daniel Caluag na parang magnanakaw sa kalaliman ng gabi.

Sa kabila ng hindi pagkarera sa kahit isang event na may basbas ng UCI (Union Cycliste International) noong nakaraang taon, napanatili ni Caluag ang kanyang matikas na porma upang bigyan ang Pilipinas ng dahilan para magbunyi nang kanyang pangunahan ang men’s BMX race sa Ganghwa Asia BMX Track noong Oktubre.

Ang gold medal effort ng 27-anyos na registered nurse ang nag-iisa para sa 160 katao na Philippine delegation at ang pinakamababang bilang na nakuha ng mga Pilipino sa quadrennial meet mula noong 1998 edition sa Bangkok.

Ito rin ang unang ginto sa cycling para sa bansa sa buong kasaysayan ng Asiad.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Ang makasaysayang pangyayari, ang impact nito, at ang magiting na pagsisikap ng Filipino rider sa pagsalba mula sa nakadidismayang kampanya ng bansa sa pinakamalaking sporting conclave sa rehiyon ay sapat na upang makuha niya ang pagkilala bilang Athlete of the Year ng Philippine Sportswriter’s Association (PSA).

Pangungunahan ng Filipino-American BMX racer ang 70 prominenteng personalidad sa isports at iba pa na pararangalan sa PSA Annual Awards Night na handog ng MILO at San Miguel Corporation sa Pebrero 16 sa Esplanade sa Mall of Asia Complex.

“The entire PSA organization congratulates Daniel Caluag as the recipient of the 2014 Athlete of the Year honor following the exemplary feat he did during the 17th Asian Games in Incheon, South Korea,” ani PSA president Jun Lomibao ng Business Mirror.

Ipamimigay din ang ilang pangunahing award at citation ng pinakamatandang organisasyon ng media sa bansa na ipagdiriwang ang ika-66 taon sa pormal na pagtitipon kung saan principal sponsors ang Smart, Meralco, at MVP Sports Foundation habang major sponsor naman ang Philippine Sports Commission.

Igagawad din sa pagtitipon na suportado rin ng ICTSI, Philippine Basketball Association (PBA), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corp (PAGCOR), Rain or Shine, Globalport, Air21, Maynilad, Accel, at National University ang President’s Award, Executive of the Year, Sports Patron of the Year, National Sports Association of the Year, the Tony Siddayao Awards para sa mga natatanging atleta edad 17 pababa, Posthumous, at MILO Outstanding Athletes (boys and girls).

Kabilang sa honor roll list ngayong taon ay ang 1973 Philippine men’s basketball team (Lifetime Achievement Award), Tim Cone (Excellence in Basketball), Hall of Fame (Mitsubishi), Alyssa Valdez (Ms. Volleyball), Jean Pierre Sabido (Mr. Taekwondo), at sina Princess Superal at Tony Lascuna (Golfers of the Year).