Tadtad ng bala ang katawan ng isang lalaki na pinaniniwalaang lider ng “Panoy Group” at itinuturing na No. 1 most wanted sa National Capital Region (NCR), makaraang makipagbarilan ito sa mga pulis sa Caloocan City kamakalawa.

Dead on the spot si Ibrahim Menor, 35, ng Phase 8, Balwarte, Bagong Silang, Caloocan, sanhi ng mga tama ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, dakong 10:30 nang nangyari ang shoot-out sa bahay ni Menor.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang awtoridad na nasa bahay niya ang suspek.

National

Lindol sa Zamboanga del Norte, ibinaba na ng Phivolcs sa magnitude 5.4

Kaagad na sinalakay ng mga tauhan ng North Extension Office (NEO) at ng Special Reaction Unit-Special Weapon anfd Tactics (SWAT) ang kinaroroonan ni Menor.

Pinasusuko na ng mga pulis ang suspek, subalit tumanggi ito at sa halip ay pinaputukan pa ang awtoridad na naging dahilan para paulanan ito ng bala.

Makalipas ang 10-minutong putukan ay wala nang buhay si Menor na nakasuot pa ng class A bullet proof vest at armado ng granada at .45 caliber pistol.

Si Menor ay akusado sa murder at drug trade sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at ang modus ng grupo nito ay kidnapping, robbery at gun-for-hire.