Isinama ng 2015 Ronda Pilipinas, na iprinisinta ng LBC, ang pagkakadagdag ng mga yugto sa gaganaping Visayas qualifying leg upang makatulong sa mga siklista na naapektuhan ng seguridad sa dapat sana’y isasagawang karera sa Mindanao.

Idinagdag ng Ronda organizers ang 120-kilometrong yugto na magsisimula sa Negros Occidental Provincial Capitol at magtatapos sa Cadiz City upang palitan ang nakanselang dalawang yugto para sa Mindanao leg na dadaan sana sa Butuan City, Cagayan de Oro, Tubod sa Lanao del Norte at Dipolog City sa Pebrero 8 at 9.

Dahil dito ay sisikad ang pinakamalaki at pinakamayamang karera sa bansa at Asya sa Pebrero 11 kung saan ay tampok ang tatlong yugto sa Visayas qualifying leg na sisimulan sa 172.7-km Dumaguete-Sipalay lap kasunod ang 157.8-km Bacolod-Bacolod stage sa ikalawang araw at ang Negros Occidental-Cadiz race sa Pebrero 13.

Inihayag ni Ronda Pilipinas Executive Project Director Moe Chulani na ihahanda nila ang libreng sakay sa ferry para makalipat mula sa Dipolog patungo sa Dumaguete ang mga naapektuhang Mindanao-based riders kung saan ay dadagdagan nila ang nakatayang silya upang mabigyan ng pantay na oportunidad upang makuwalipika sila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

"We will arrange free ferry transfers for our riders from Mindanao from Dipolog to Dumaguete on Feb. 10," sinabi ni Chulani. "Also we will increase the number of slots in the Visayas leg to increase their chances of making it to the championship round.”

Ipinaliwanag naman ni Ronda Administration Director Jack Yabut na magtatalaga sila ng representante sa Port of Dipolog para sa paglilipat ng ferry sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng umaga at alas-10:00 ng umaga para sa mga siklistang sasali sa qualifier.

"Riders with their bikes and with a registration form can coordinate with our representative in the Port of Dipolog on Feb. 10 so that we can provide them their passenger and bike cargo ticket," pahayag ni Yabut.

Sinabi pa ni Yabut na ang registration fee para sa Visayas qualifier ay nagkakahalaga ng P3,000 na kinabibilangan ng hotel accommodation sa gabi sa Pebrero 10, 11 at 12 at maging ang pagkain sa loob ng tatlong araw na karera.

Ang karera ngayong taon, na suportado ng major sponsor na MVP Sports Foundation, ay isasagawa upang mas mabigyan ang mga lokal na siklista ng tsansang makapagwagi nang mas malaking premyo, maliban pa sa malaking oportunidad na makasama sila bilang miyembro ng national team, habang pinapalaganap ang kapayapaan sa pamamagitan ng sports, tourism at environmental protection.

Matapos ang Visayas qualifying leg, ang 2015 Ronda Pilipinas, na itinataguyod ng Maynilad, NLEX, Standard Insurance, Petron, Greenfield City, at Radio1 Solutions at may basbas ng PhilCycling sa pamumuno ni Cavite Congressman Abraham "Bambol" Tolentino, ay magtutungo sa Luzon para sa pinakahuling qualifying kung saan ay babagtas sila sa 138.9-km Tarlac-Tarlac stage sa Pebrero 16 at magtatapos sa 102.5-km Antipolo-Antipolo lap sa Pebrero 17.

Mahigit sa 100 riders ang papadyak sa championship round na gaganapin sa Luzon kung saan ay makakasama nila sina 2014 Ronda Pilipinas champion Reimon Lapaza ng Butuan City, Mark John Galedo at Ronald Oranza-led na Asian Cycling Championship-bound national team, at ang siyam katao na composite European team na binubuo halos ng Danish cyclists upang tutukan ang top purse na P1 milyon.

Ang championship round ay sisimulan sa 60-km Paseo Greenfield Stage 1 criterium at ang 120.5-km Calamba-Atimonan Stage 2 na dadaan sa kinatatakutang "Tatlong Ms o kilala din bilang "Bitukang Manok (chicken instestine)" dahil sa mahaba at pawindang-windang at matatalas na kurbadang akyatin sa Pebrero 22.

Susundan ito ng 171.1-km Stage 3 mula sa Quezon Provincial Capitol sa Lucena patungo sa Rizal Provincial Capitol sa Antipolo sa Pebrero 23, ang 199-km Malolos-Tarlac Stage 4 sa Pebrero 24, ang 151.8-km Tarlac-Dagupan Stage 5 sa Pebrero 25, at ang 152.5-km Dagupan-Baguio Stage 6 sa Pebrero 26.

Magtatapos ang Ronda sa pinakamahirap na akyatin sa ituktok mismo ng Baguio kung saan ay hahataw sila sa 8.8-km Stage 7 sa individual time trial at ang 90-km Stage 8 criterium na kapwa gagawin sa Pebrero 27.