Aabot sa P202 milyon halaga ng bonus at allowance ang ilegal na naipamahagi sa mga opisyal at kawani ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2013.

Ito ang natuklasan kamakailan ng Commission on Audit (CoA) matapos nilang imbestigahan ang financial transactions ng PCSO.

Binanggit ng CoA na walang sapat na basehang legal ang PCSO upang mamigay ng multi-milyon pisong bonus at allowance sa mga opisyal at empleyado nito.

Kaugnay nito, nadiskubre rin ng CoA na hindi nag-remit ang PCSO sa National Treasury ng P959.5 milyon o halos P1 bilyon kinita nito para sa taong 2012.

National

PhilHealth, pumalag sa mga alegasyon; <b>₱138M hindi raw para sa Christmas party</b>

“The grant of allowances, bonuses and other benefits to the officials and employees of PCSO… were either in excess of those authorized under existing compensation laws, rules and regulations, without sufficient legal basis, or without approval from the Office of the President,” pagdidiin ng CoA.

Dahil dito, iniutos ng CoA sa PCSO na ibalik nang buo sa kaban ng bayan ang nasabing benepisyo na ilegal na naipamigay sa mga opisyal at empleyado ng ahensiya.

Kabilang sa nasabing benepisyo ang “clothing and uniform allowance, staple food at medicine allowance, hazard pay, Christmas bonus, Christmas grocery bonus at performance bonus na naibayad sa mga PCSO officer, regular employees at contractual workers.

Pero, ipinaliwanag ng PCSO na aprubado ito ni Pangulong Benigno S. Aquino III, sa pamamagitan ng isang sulat na inilabas ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. noong Mayo 19, 2011.