Isasagawa ng Manila Bulletin ngayong Sabado, Enero 31, 2015, ang ikatlong bahagi ng Classifieds Job Fair nito sa SM City Cebu, na mahigit 15 kumpanya ang inaasahang tatanggap ng mga kuwalipikadong aplikante para sa iba’t ibang trabaho.

Pinangungunahan ng merchandise company na International Specialty Concepts ang listahan ng mga employer na naghahanap ng mga bagong manggagawa. Ang kumpanya ang eksklusibong franchisee ng isang high-end Spanish brand dito sa bansa. Bukod sa retail, maaari ring subukan ng mga job seeker ang kanilang suwerte sa mga industriyang gaya ng BPO/KPO, insurance, corporate foundation at sales.

Ang job fair sa Cebu ay kasunod ng matatagumpay na job fair ngayong buwan sa Baguio City at Quezon City. Sa Baguio City, 13 kumpanya ang nakibahagi at nasa 73 aplikante ang agad na nagkatrabaho. Noong nakaraang taon, anim na job fair ang isinagawa sa Metro Manila, bukod pa sa job fair sa Pampanga at Laguna. Ito ang ikalawang beses na nagsagawa ng MB Job Fair sa “Queen City of the South”, na ang una ay naging matagumpay noong 2013.

“The success of the job fairs last year really inspired us to do more this year,” sabi ni Manila Bulletin Vice President for Classified Ads Department Lyne Abanilla. “We want our readers, job seekers, partners and employers to look forward to our activities.”

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Sinabi pa ni Abanilla na sa halos 16,000 aplikante na dumagsa sa iba’t ibang job fair noong nakaraang taon ay mahigit 1,600 ang nagkatrabaho.

Ngayong taon ay magsasagawa ang Manila Bulletin ng 13 job fair—na 10 sa mga ito ay gagawin sa Metro Manila.

Gaya sa nakalipas na mga job fair, ang mga aplikante na makapagpiprisinta ng Express Pass mula sa issue ng pahayagan ng Manila Bulletin ay bibigyan ng prioridad na pumasok sa Trade Hall ng SM City. Kasabay nito, ang mga nagrehistro sa online job portal na www.mbclassifiedjobs.com ay pinagdadala ng printed na kopya ng kanilang confirmation letter na magagamit bilang pass.