PINAGBABARIL sa mukha at ibang bahagi ng katawan, wala nang mga armas at wala na ring buhay. Ganito dinatnan ng ilang miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police ang kanilang apatnapu’t apat na kasamahan sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao pagkatapos ng engkwentro sa ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).

Sa rami ng napatay, itinuturing ito bilang “single largest loss of life in recent memory” sa hanay ng mga pulis. Ang unang pakay ng SAF ay arestuhin ang suspected Jemaah Islamiyah bomb maker na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at miyembro ng Abu Sayaff na si Abdul Bassit Usman.

Sa eksklusibong panayam ni Jiggy Manicad sa isa sa mga nakaligtas na miyembro ng SAF, ikinuwento nito kung paano umano kabrutal na pinagpapatay ang kanyang mga kasamahan. Nakaligtas siya matapos tumalon sa ilog at magtago sa mga water lily. Labing-dalawang miyembro ng SAF pa ang nakaligtas at dinala sa mga pagamutan.

Ayon sa MILF, self defense raw sa panig nila ang nangyari. Wala rin daw koordinasyon ang PNP-SAF na magkakaroon sila ng operasyon sa lugar na balwarte ng MILF. Pero para sa ilang eksperto, masyadong marahas at karumal-dumal ang sinapit ng elite forces. Sa pahayag naman ni PNP OIC Deputy Director Leonardo Espina, sinabi niyang hindi naipagpaalam sa kanyang opisina ang gagawing operasyon ng SAF. Paano nga ba humantong sa karumal-dumal na pagpatay ang operasyong ito?

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Huwag palalampasin ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng pamahalaan at lipunan sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, 4:25 ng hapon pagkatapos ng Ang Lihim ni Annasandra, sa GMA-7.