Hindi pa rin nakapagsusumite ng komprehensibong plano ang tinaguriang “Big 3” na kumpanya ng langis sa paglilipat ng oil depot ng mga ito sa kabila ng itinakdang deadline ng korte noong Enero 15.

Ayon sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 39, wala isa man sa tatlong pinakamalalaking kumpanya ng langis ang nagsumite ng kani-kanilang relocation plan bago ang pag-alis nila sa lugar noong Hulyo 15.

Matatandaan na noong Nobyembre 2014 ay naglabas ng desisyon ng Korte Suprema na nag-aatas sa Pilipinas Shell, Chevron Philippines at Petron Corporation na ilipat ang kani-kanilang oil depot sa labas ng Maynila mula sa kinatitirikan ng mga ito sa Pandacan.

Binigyang halaga ng kataas-taasang hukuman ang karapatan ng mga residente sa ligtas, maayos at balanseng kalikasan sa pag-uutos nito sa mga kumpanya ng langis na ilipat ang mga oil depot na nasa 33-ektaryang lupain sa Pandacan.

Internasyonal

Pinakamainit na temperatura ng mundo, posibleng maitala ngayong 2024

Una ring inihayag ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na masusing susubaybayan ng kanyang tanggapan ang paglilipat ng mga petroleum company.

“Sa loob ng anim na buwan, dapat ay wala na sila sa Pandacan. Kung andyan pa rin sila, ipasasara namin ang mga gate ng pasilidad at hindi na sila muling makapapasok. Hindi ako natatakot sa kanila,” pahayag ni Estrada.

Tiniyak din ng dating Pangulo na bubuksan ng pamahalaang lungsod ang lugar sa mga mamumuhunan kapag tuluyan na itong nilisan ng mga kumpanya ng langis bilang dagdag kita para sa Maynila.