Puso.
Ito ang naging bentahe para sa nakamit na tagumpay ng University of Perpetual Help ni coach Sandy Rieta sa katatapos na 90th NCAA juniors volleyball tournament kung saan ay winalis nila ang Lyceum para maangkin ang titulo sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
``Wala akong maisip na salita kung paano idi-described ‘yung nagawa namin kundi, puso,” ayon kay Rieta kasunod ng kanilang 25-15, 25-23, 25-19 panalo sa Game Two laban sa Junior Pirates.
Dahil sa panalo, naputol na rin ang kanilang dinaanang apat na taong pagka-uhaw sa titulo.
Bukod dito, nakamit din nila ang ikapitong pangkalahatang kampeonato sa juniors division upang pumangalawa sa San Sebastian College (SSC) na mayroong 15.
At ang pinakamahalaga sa lahat ay ang tagumpay nilang maibangon ang kanilang unibersidad mula sa kabiguang nalasap ng kanilang men`s at women`s team na kapwa nabigong ipagtanggol ang kanilang mag titulo.