WASHINGTON (AFP) – Tumitindi ang banta sa mga Muslim sa Amerika kasunod ng pagpapalabas ng pelikulang American Sniper, saad sa liham ng isang American-Arab organization sa direktor ng pelikula na si Clint Eastwood at sa bida nitong si Bradley Cooper.

Sa open letters na inilabas sa unang bahagi ng linggong ito, sinabi ng American-Arab Anti-Discrimination Committee (ADC) na tumaas ang bilang ng mararahas na pagbabanta sa mga Muslim dahil sa pelikula, na kuwento ng isang Amerikanong sniper noong Iraq war.

“A majority of the violent threats we have seen over the past few days are (a) result of how Arab and Muslims are depicted in American Sniper,” saad sa liham ng ADC.

Sinabi ng grupo na tumanggap ito ng daan-daang mararahas na mensahe mula sa mga nanood ng pelikula, karamihan sa mga ito ay sa pamamagitan ng social media.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ipinabatid na ng ADC sa Federal Bureau of Investigation (FBI) at sa lokal na pulisya ang mga pagbabanta at hiniling kina Clint at Bradley na kondenahin ang mararahas na salitang ginamit ng filmgoers laban sa mga Muslim.

“Your visibility, influence, and connection to the film would be a tremendous force in drawing attention to and lessening the serious dangers facing the respective communities,” saad pa sa liham na pirmado ng presidente ng ADC na si Samer Khalaf.

Ipinalabas ngayong Enero, ang American Sniper ay batay sa tunay na kuwento ng Amerikanong sundalo na si Chris Kyle na lumaban sa digmaan sa Iraq.

Umani ng anim na Oscar nominations ang pelikula at nagbunsod ng debate sa Amerika kaugnay ng pagsalakay sa Iraq at sa pagsasalarawan sa mga beterano sa popular culture.