Ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng taxi na ang driver ay nasangkot sa naudlot na panghoholdap kamakailan sa isang babaeng pasahero.
Inatasan ng LTFRB ang operator ng taxi, na nakilalang si Guadencio V. De Guzman, na magsumite ng Show Cause upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin o suspendihin ang kanyang prangkisa.
Ayon sa ulat, nangyari ang tangkang panghoholdap sa Osmeña Highway, malapit sa Malugay Street sa Makati City, dakong 1:00 ng umaga nitong Enero 13.
Tinutukan ng patalim ng taxi driver at kanyang kakuntsaba ang biktima sa loob ng sasakyan. Pero nang pumalag ang babaeng biktima ay sinaksak siya ng taxi driver, ngunit nakuha pa rin niyang makatalon mula sa umaandar na taxi.
Sa puntong ito ay napansin ng mga nagpapatrulyang pulis ang kaguluhan sa loob ng taxi at naaresto ang dalawang suspek.
“Ang mga insidenteng ganito ang dahilan kaya kami nagpatupad ng ordinansa na nagre-require sa lahat ng taxi operator na magsumite ng awtorisadong listahan ng kanilang mga driver at maglagay ng identification sa kanilang mga taxi upang madaling malaman ng pasahero kung ang driver ay lehitimong magmaneho ng nasakyan nilang taxi,” pahayag ni LTFRB Chairman Winston Ginez.