Noong dekada ‘70 hanggang ’90 ay tanyag ang tinapay na “nutribun” sa mga pampublikong paaralang elementarya na ipinamemeryenda ng mga guro sa mga mag-aaral tuwing recess.
Singkuwenta hanggang 75 sentimos lang ito noon para sa mga mag-aaral at halos kasing-laki ng kamao kaya naman tiyak na ikabubusog ng estudyante.
Subalit sa paglipas ng panahon, lalo na nang pumasok ang 1997, ay nawala na ang rasyon ng nutribun.
Dahil dito, hiniling ni Valenzuela City 1st District Rep. Sherwin T. Gatchalian na muling ibalik ang nutribun feeding sa mga pampublikong eskuwelahan.
Layunin ng kongresista na makatipid sa baon ng mga anak ang mga hikahos na magulang na walang kakayahang mabigyan ng masustansiya at murang pagkain ang mga anak habang nasa paaralan.
“We can revive the Nutribun program and implement it nationally in all public elementary schools to make sure our children will be able to perform well and achieve their potential without worrying about having an empty stomach,” ani Gatchalian, na planong ipatupad ang programa sa pagbubukas ng klase sa Hunyo ng taong ito.
Ang nasabing programa ay unang ipinatupad ng gobyerno, sa pakikipagtulungan ng US Agency for International Development (USAID) Nutribun, na ang sangkap ng tinapay ay non-fat dried milk at soy flour.