Habang patuloy na lumalala ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila, nag-alok naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga posibleng solusyon upang tugunan ang problema.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na dapat na seryosohin ng gobyerno ang pampublikong transportasyon sa bansa at ilipat sa mga lalawigan ang naglalakihang pabrika sa Metro Manila.

Habang puspusan ang pagawain sa mga kalsada, gaya ng Skyway 3 at Paseo Roxas underpass, ngayong taon, tiyak nang lalala pa ang pagsisikip ng trapiko.

Sa pagpapabuti ng sistema ng trapiko, sinabi ni Tolentino na kailangang magtayo ng 10 karagdagang Metro Rail Transit (MRT) line sa Metro Manila.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Ito ang suhestiyon ni Tolentino sa gitna ng mga ulat na pumuwesto sa pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia at pangsiyam sa mundo sa larangan ng malalang trapiko.

Ayon sa pag-aaral ng Numbeo sa sitwasyon ng trapiko sa 88 bansa, nagtamo ang Pilipinas ng “traffic index” na 202.31.

Dagdag niya, malinaw ding natukoy sa pag-aaral ang high urban density at ang bumubuting ekonomiya sa Metro Manila.

“Kung ikukumpara ang Tokyo, Dublin, Rome, Milan, Jakarta, Bangkok, ito ang mga rehiyong mabilis na umuunlad. Kaya nagpapahayag ito ng mga oportunidad na nasa Metro Manila. Ipinakikita nito na bagamat masikip na sa Metro Manila at nagdudulot ito ng matinding traffic, narito pa rin ang mga oportunidad sa ekonomiya, edukasyon at recreational,” ani Tolentino.