Sinabi ni Roger Federer na may masama siyang nararamdaman patungo sa kanyang third-round match sa Melbourne.

Kahapon ng umaga, pinatunayan ni Andreas Seppi na tama si Federer sa pag-aalala nito.

Nasa ranggong No. 46 sa mundo, ikinasa ni Seppi ang matinding upset sa torneo, ipinagkaloob kay Federer ang pinakamaagang Australian Open exit sa loob ng 14 taong nakalipas. Nagwagi si Seppi via 6-4, 7-6 (7-5), 4-6, 7-6 (7-5).

“I was aware that this could be a tough match, so I wasn’t mistaken this time around,” pahayag ni Federer. “I guess it was just an overall feeling I had today out on the court that I couldn’t really get the whole game flowing. Was it backhand? Was it forehand? Was it serve? It was a bit of everything.”

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Naitala ng No. 2 seed na si Federer ang siyam na double faults at 55 unforced errors. Pinamunuan nito ang unang tiebreak, 4-1, bago nakipagsabayan si Seppi upang kunin ang anim sa sumunod na pitong puntos. Pinangunahan din ng 33-anyos na Swiss ang huling tiebreak, 3-1, at pagkatapos ay 5-4. Tinipa nito ang dalawang serves upang mapalapit sa panalo, ngunit kapwa ito kumulapso kaya’t nakuha ng 30-anyos na Italian ang match point.

“It was just a bad day,” giit ni Federer. “I wish I could have played better, but clearly it was tough losing the first two sets. I had chances to get back into it. I let it slip, both times in some ways. I guess I won the wrong points out there today.”

Nabigo si Seppi kay Federer sa 10 nakaraan na pagtatagpo. Naunsiyami ito sa kanyang huling 23 matches kontra sa top 10 players.

“I just tried my best and it was one of my best matches for sure,” saad ni Seppi.

Umentra si Federer sa semifinal sa Melbourne sa bawat taon simula pa noong 2003. Napagwagian nito ang season-opening Grand Slam event ng apat na beses. Ito ang unang pagkakataon, simula pa noong 2001, na nadiskaril siya na makaakyat sa ikaapat na round.

Sa iba pang Day 5 action, umabante sina Rafael Nadal and Andy Murray sa fourth round. Tinalo ni Nadal si Dudi Sela sa straight sets, 6-1, 6-0, 7-5. Ipinagpatuloy ni Murray, ang three-time finalist sa Melbourne, ang kanyang hangarin na mapasakamay ang kanyang unang titulo matapos ang straight-set win laban kay Joao Sousa, 6-1, 6-1, 7-5.

Naging magaan naman para kay No. 2 Maria Sharapova ang laro at umabante sa susunod na round makaraan ang 6-1, 6-1 panalo kontra kay Zarina Diyas. Umentra rin si third-seed Simona Halep sa fourth round, nang talunin si Bethanie Mattek-Sands, 6-4, 7-5.

Sumalo rin sa susunod na round si No. 7 Eugenie Bouchard, umabante sa semifinal sa Melbourne noong nakaraang taon. Si Bouchard, 20, ay umusad sa fourth round sa kanyang huling limang majors. Naglaro ito sa semifinal sa Roland Garros at sa final sa Wimbledon noong nakaraang taon. Sa Day 5 sa Melbourne, umusad ito matapos ang 7-5, 6-0 panalo kay Caroline Garcia.

“I’ll be ready for a battle, I’ll try to play my game and have some fun also,” pahayag ni Bouchard na minamataan na ang kanyang susunod na laban.