Sinugod ng aabot sa 300 raliyista ang ancestral house ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa Times Street sa Quezon City kasabay ng paggunita sa ika-28 anibersaryo ng Mendiola massacre kahapon.

Kabilang ang Anakpawis at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa mga grupong sumugod sa nasabing lugar.

Gayunman, nilagyan ng mga pulis ng steel barrier na maagang pumuwesto sa lugar.

Itinuloy pa rin ng mga militante ang programa sa kalsada dala-dala ang kanilang placard, na roon nakasaad ang kanilang panawagan sa tunay na reporma sa lupang sakahan.

National

405 sa 677 umano'y benepisyaryo ng confi funds ni VP Sara, walang record of birth sa PSA

Humihingi rin ng hustisya ang mga ito para sa mga nasawi sa tinaguriang Mendiola massacre noong Enero 22, 1987 at sa mga biktima ng iba pang karahasan sa Mendiola.

Nagtagal lang ng kalahating oras ang programa ng mga ito at nilisan din ang lugar para dumiretso sa Mendiola.

Matatandaang pinagbabaril ng mga sundalo at pulis ang 13 magsasaka na kabilang sa libu-libong raliyista na nagtangkang pumasok sa Malacañang para iparating kay dating Pangulong Corazon Aquino ang kanilang mga hinaing at kahilingan sa pamamahagi ng lupain 28 taon na ang nakalilipas.

Nagawa ring ibasura ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang P6.5-milyong class suit na isinampa ng pamilya ng mga biktima noong 1988, at noong 1993 ay kinatigan ng Korte Suprema ang naturang desisyon dahil mayroon umanong immunity ang estado sa mga kaso.