Nagdadalamhating umuwi sa bansa ang ina ng nasawing volunteer ng Catholic Relief Service (CRS) sa misa ni Pope Francis sa Tacloban City Airport sa Leyte noong Sabado.

Dakong 2:00 ng umaga nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Judy Padasas, overseas Filipino worker (OFW) na nakabase sa Hong Kong, at agad dumiretso sa burol ng anak niyang si Kristel Mae sa kanilang bahay sa Katuparan, Taguig City.

Hindi nagbigay ng pahayag ang ginang at humiling ng pribadong panahon upang makapagluksa ang kanilang pamilya.

Enero 17 nang binawian ng buhay si Kristel Mae matapos mabagsakan ng scaffolding na pinagkabitan ng mga speaker matapos ang misa ng Santo Papa sa Tacloban.

National

Makabayan bloc, pinuna balak ni FPRRD na maging abogado ni VP Sara: 'Desperate political maneuver!'

Matapos mabatid ng Santo Papa ang insidente ay personal nitong ipinaabot ang pakikiramay sa pamilya Padasas at naghandog ng rosaryo sa ama ni Kristel na si Paulino.

Bagamat masakit ang hindi inaasahang pagpanaw ni Kristel, sinabi ng pamilya Padasas na may kabuluhan ang pagkamatay nito.

Si Kristel ay nagpabalikbalik sa Samar at Taguig mula nang magtrabaho sa CRS bilang volunteer noong Agosto 2014.

Samantala, makatatanggap ng ayuda mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pamilya ng nasawing volunteer.

Dahil aktibong miyembro ng OWWA at nagtrabaho ng 19-taon bilang domestic helper sa Hong Kong si Judy, makaaasa ng tulong ang pamilya mula sa gobyerno sa pamamagitan ng job referrals (local at overseas employment) sakaling magpasyang manatili na lang ito sa bansa, business counseling at financial literacy training kung nanaisin nitong magtayo ng negosyo at maaari siyang makahiram ng hanggang P2 milyon na puhunan mula sa OWWA loan facility.

Bukod pa rito ang alok ng Balik-Pinas, Balik Hanapbuhay program ng DoLE at OWWA para sa displaced o distressed OFW na small livelihood starter kit na P7,500 o P10,000 na livelihood grant assistance.