Pinuri ni Olympic Council of Asia (OCA) Director General Husain Al Musallam ang isinasagawang Sports Science Seminar ng Philippine Sports Commission (PSC) na ang layunin ay maiangat ang kalidad ng national coaches at pagmamalasakit sa kapakanan ng mga atleta.
Mahigit isang linggong nanatili sa bansa si Al Musallam kung saan ay personal itong nagmasid sa isinagawang fitness test ng mga dayuhang eksperto na mula sa Sports Performance University na sina Dr. Scott Lynn at Terence Rowles upang makabuo ng mga programa sa iba’t ibang national sports association (NSA).
“Let us considered it little steps towards the country’s aim of achieving giant goals,” sinabi ni Al Musallam.
Nanatili sa bansa si Al Musallam upang personal na obserbahan ang isinagawang fitness test ng mga dayuhang eksperto sa Sports Science sa ilang pambansang atleta upang matutunan ang tamang ehersisyo at programa para sa kanilang mga nilalahukang disiplina.
Ibinahagi ni Lynn, na isang Biomechanics at Strength and Conditioning experts, ang modernong siyensa sa Advance Functional Movement habang itinuro naman ni Rowles na isang Sports Coaching consultat ang Science of Training Females.
Umabot naman sa kabuuang 580 katao ang nakibahagi sa seminar kung saan ay 129 sa local government units (LGUs), 89 sa Department of Education (DepEd), 91 sa colleges at universities, 175 sa national sports associations at 96 ang walk-in sa unang dalawang araw.
Dumalo naman kahapon ang 9 sa LGU’s, 8 sa NSA’s at isa sa unibersidad para makibahagi sa diskusyon na nakatuon sa mga kakabaihan.