COTABATO CITY – Pinasabog ang steel tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Pagalungan, Maguindanao ng hindi pa nakikilalang mga suspek noong Martes ng gabi, na nagbunsod ng pagdidilim ng Pagalungan at mga kalapit na bayan nito, ayon sa mga lokal na opisyal at militar.

Sinabi ni Yamashita Macacuna, provincial peace and security adviser, na pinasabog ang istruktura ng 138-kv line tower ng NGCP gamit ang isang improvised explosive device (EID) dakong 9:00 ng gabi nitong Martes, at naputol ang supply ng kuryente sa mga barangay sa may pitong magkakalapit na bayan sa Maguindanao at North Cotabato.

Nagsanib-puwersa ang pulisya at militar para isagawa ang imbestigasyon bagamat walang nadakip na suspek sa Barangay Galakit sa Pagalungan, ayon kay Capt. Joann Duran Petinglay, pinuno ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.

Sinabi ni Petinglay na habang sinusuri ng mga lineman ng NGCP ang pinsala ng pagsabog ay naghahanda naman ng mga generator ang mga electric cooperative sa Maguindanao at North Cotabato para magkaloob ng kuryente sa mga apektadong bayan.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Ayon kay Macacuna, iniutos na ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu ang masusing imbestigasyon sa insidente. - Ali G. Macabalang