Huwebes ng susunod na linggo ay malalaman na natin kung tatawa o sisimangot ang komedyanteng si Joey Marquez.

Iyon ang araw na ilalabas ng Sandiganbayan ang hatol sa asuntong graft laban kay Marquez dahil sa pagbili ng mga bala noong siya pa ang alkalde ng Parañaque City na overpriced ng mahigit P1 milyon at binili sa isang hindi lisensiyadong trader.

Itinakda sa Enero 22 ng Sandiganbayan Second Division ang proklamasyon sa graft charges na inihain laban sa kanya at kapwa akusado na si Ofelia Caunan, dating pinuno ng General Services Office ng Parañaque.

Kinasuhan sina Marquez at Caunan ng tatlong bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 2019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), na nasa ilalim ng Criminal Case Nos. 27903 at 27905.

Internasyonal

DFA, nanawagang itigil ang karahasan sa Syria

Inakusahan ang dalawa ng pagsasabwatan na maliwanag na may masamang intensiyon at pagpapakita na may kinikilingan, gross inexcusable negligence sa pagbibigay ng mga benepisyo sa VMY Trading sa pagpasok sa mga kontrata para sa pagbili ng mga bala sa ngalan ng Parañaque noong may hawak pa silang mga opisyal na posisyon sa lungsod.

Subalit, nakita ng Commission on Audit (COA) na ang pagbili ng mga bala mula sa VMY Trading ay overpriced ng P1,219,650.

Inihayag ng Office of the Ombudsman, na naghain ng kaso sa Sandiganbayan, na ang nasabing pagbili ay hindi dumaan sa public bidding na paglabag sa patakaran at regulasyon ng COA.

Dagdag nito, nakita rin ng Ombudsman na ang VMY Trading ay hindi lisensiyado bilang arms and ammunitions dealer sa Firearms and Explosives Division ng Philippine National Police (PNP) at ng Department of Trade and Industry (DTI).

Noong 1996, bumili ang mga akusado para sa lungsod ng 2,000 rounds ng .45 caliber ammunition, 2,000 rounds ng .38, at 2,000 rounds ng 9mm na nagkakahalaga ng P510,000, ngunit nakita ng COA na overpriced ito ng P408,000.

Nang sumunod na taon, 17,500 rounds ng .45 caliber ammunition at 20,000 rounds ng bala ng 9mm ang nabili sa halagang P1,275,000 ngunit overpriced ng P573,750.

Noong 1998 naman, tig-1,000 rounds ng bala ng .45, .38 at 9mm ang nabili sa halagang P294,000 ngunit nakitang overpriced ng P237,900.