Ni KRIS BAYOS

Isang grupo ng pribadong motorista ang humiling sa Land Transportation Office (LTO) ng exemption sa pagkuha ng bagong plaka para sa mga lumang sasakyan sa ilalim ng Plate Standardization Program ng ahensiya.

Sinabi ng Automobile Association of the Philippines (AAP) na aapela ito sa Department of Transportation and Communication (DoTC) na repasuhin ang LTO Memorandum Circular No. AVT 2014-1895 na nag-oobliga sa mayari ng sasakyan na may apat na gulong na kumuha ng bagong license plate sa halagang P450 kada pares.

Pinaalalahanan ni AAP President Gus Lagman na kailangan lang palitan ang plaka kung ito ay gutay-gutay na, sira o hindi na mabasa ang numero.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

“Dapat ay hindi na bigyan ng gobyerno ang mga may-ari ng sasakyan ng karagdagang pasanin sa pagbili ng mga bagong plaka. Para kang bumibili ng isang bagay na mayroon ka na o hindi mo talaga kailangan,” pahayag ni Lagman.

Sa halip na gawing mandatory para sa may-ari ng mga lumang sasakyan, hinikayat ni Lagman ang LTO na gawin na lang optional ang pagkuha ng bagong license plate.

“Mayroong mga sasakayan na sira o punit na ang plaka. Ito dapat ang basehan upang obligahin ng LTO ang may-ari ng sasakyan na kumuha ng bagong plaka, na naayon sa batas,” giit ni Lagman.

“Subalit, aniya, habang malinaw ang mga letra at numero sa plaka, dapat payagan silang panatiliin ito,” dagdag niya.