DAVAO CITY – Inaresto ng awtoridad ang isang kasambahay dahil sa pagtangay sa apat na taong gulang na anak ng kanyang amo sa lungsod na ito.

Umaga nitong Sabado nang dakpin ng mga pulis si Julita Alison Quijoy, 39, tubong San Miguel, Zamboanga del Sur.

Patungo sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur si Quijoy nang arestuhin siya ng mga pulis sa public terminal sa Poblacion 5, Cotabato City.

Bandang hapon ay iprinisinta siya sa media ni Mayor Rodrigo Duterte at pinuri ng alkalde ang pagsisikap ng Davao City Police at Cotabato City Police sa agarang pagdakip sa suspek.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon sa report ng Talomo Police sa siyudad na ito, dakong 1:30 ng hapon nitong Enero 9 nang iulat ang pagdukot.

Nabatid na Biyernes ng umaga nang umalis si Quijoy sa bahay na pinagtatrabahuhan bitbit ang apat na taong gulang na lalaki na anak ng kanyang amo.

Batay sa imbestigasyon, nagpaalam pa ang suspek sa isang kapwa kasambahay na isasama ang bata sa pagbili ng sabong pampaligo, pero hindi na bumalik ang dalawa.

Sinabi ni Duterte na seryoso ang krimen na ginawa ni Quijoy sa pagdukot sa isang menor de edad, at may katumbas itong parusa na habambuhay na pagkabilanggo.

Sinabi pa ng alkalde na hindi ito ang unang beses na may batang kinidnap sa lungsod. “Do not f@#$&k it here in Davao City,” babala ni Duterte sa mga kriminal. - Alexander D. Lopez