Humakbang papalapit para sa pagkubra ng unang semifinals berth ang Ateneo de Manila University (ADMU) habang bumagsak naman sa ikatlong sunod na kabiguan ang defending men`s champion na National University (NU) sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 77 juniors basketball tournament sa Blue Eagle Gym.

Nagposte ng 15 puntos si Jolo Mendoza upang giyahan ang Blue Eaglets sa panalo kontra sa Adamson, 66-61, at palawigin ang kanilang winning streak sa siyam na mga laro.

Naitala naman ng University of Santo Tomas (UST) ang pinakamalaking upset sa season nang gulantangin ang NU Bullpups, 51-49.

Nagpakitang-gilas din ang Nieto twins para sa nakaraang season runner-up na Ateneo nang magposte si Matthew ng 13 puntos, habang nagdagdag naman si Mike ng 13 puntos at 11 rebounds.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Sa iba pang mga resulta, tinalo ng Far Eastern University (FEU)-Diliman ang University of the East (UE), 81-55, habang ginapi ng La Salle-Zobel ang UP Integrated School, 79-48, para makapuwersa ng triple tie sa second place.

Tabla sa ngayon ang Baby Tamaraws at ang Junior Archers kasama ang Bullpups na may barahang 6-3 (panalo-talo).

Umiskor si Ronald Mayor ng 13 puntos para sa UST na napalakas ang kanilang tsansa para umabot ng semis makaraang umangat sa barahang 4-5 (panalo-talo) kasalo ang Baby Falcons sa ikalimang puwesto.

Pinangunahan naman ni Brandrey Biernes ang FEU sa kanyang itinalang 21 puntos habang nag-ambag naman sina Marvin Lee at Wendell Comboy ng tig-10 puntos.

Nagsalansan naman ng pinagsanib na 37 pntos sina Aljun Melecio at Joaquin Banzon upang pamunuan ang naging atake ng La Salle.