Aabot sa magnitude 6.0 na lindol ang naramdaman sa San Antonio, Zambales at sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong 3:31 ng umaga nang maiatala ang pagyanig.
Natukoy ng Phivolcs ang sentro nito sa layong 43 kilometro timog-kanluran ng bayan ng San Antonio.
Naitala rin ang Intensity 4 sa Pasig, Pasay, Maynila, Quezon City, Makati City, pawang sa Metro Manila; San Mateo sa Rizal, at Hagonoy; at Obando sa Bulacan.
Naramdaman din ang Intensity 3 sa Tagaytay City at San Miguel, Tarlac habang Intensity 2 ang naitala sa Baguio City at Batangas City.
Ang lindol na lumikha ng lalim na 85 kilometro ay tectonic ang pinagmulan.
Sinabi naman ni Jun Bonita, ng Phivolcs, na dapat na asahan pa ang mga aftershock nito.
Ito ay matapos maramdaman ang aftershock dakong 5:08 ng umaga nang maitala ang magnitude 2.3 na lindol sa layong 20 kilometro timog-kanluran ng San Antonio.