Inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na magtatatag ang ahensiya ng limang “roadside court” na tatanggap ng reklamo ng pangongotong ng mga tauhan ng MMDA sa mga motorista.

Ayon kay Tolentino, limang estratehikong lugar na maraming insidente ng aksidente at paglabag sa batas trapiko, ang ikinokonsidera nilang pagtayuan ng mga roadside court.

Kabilang sa mga ito ang Commonwealth Avenue, EDSA, Circumferential 5 (C5 Road), Quirino Avenue sa Maynila at Roxas Boulevard sa Pasay City.

“Nais naming pabilisin ang pagresolba sa traffic cases at agad na tugunan ang mga reklamo sa pangongotong at panunuhol on the spot,” ani Tolentino.

National

Sen. Bato sa impeachment complaint vs VP Sara: ‘If they want to do it, then go ahead!’

Ito ang unang pagkakataon na magtatatag ang ahensiya ng mga roadside court para sa agarang pagdedesisyon sa mga reklamo ng extortion ng motorista at bribery mula sa hanay ng traffic constables.

Aniya, hindi rin palulusutin ng roadside court ang mga kaso ng panunuhol ng mga motorista upang makaiwas sa multa bunsod ng paglabag sa batas trapiko.

Kapwa may 15 araw ang dalawang panig upang iapela ang desisyon ng “roadside court.

“Kung mayroong aapela, magtatalaga kami ng special jury na binubuo ng mga operator ng pampasaherong bus, kinatawan ng Automobile Association of the Philippines, lider ng simbahan, at kung posible, guro at estudyante,” pahayag ng MMDA chairman.

Sa ganitong paraan, naniniwala si Tolentino na mas epektibong mapapanatili ng mga traffic enforcer ang trapiko dahil wala nang nakahambalang na sasakyan ng motoristang nakikipag-argumento sa traffic enforcer.