IBA NA ANG HANDA ● Batid na ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tungkulin sa pagsapit ng pinakamahalaga at pinakahihintay na pagdating ni Pope Francis sa bansa sa Enero 15. Hindi lamang ang PNP kundi pati na ang mga miyembro ng Armed Force of the Philippines ang nagpapatalas ng kanilang mga mata, nagpapalakas ng kanilang katawan, at nagpapatatag ng kanilang isip para sa mahalagang okasyong ito sa ating bansa.

Magugunita na noong 1995, sa buwan ng Enero rin, natuklasang may banta sa buhay ni Pope John Paul II nang dumating ito para sa pagdiriwang ng World Youth Day sa Maynila. Isang nagngangalang Ramszi Ahmed ang naaresto sa isang raid sa kanyang tinutuluyang silid sa Josefa Apartment sa Maynila. Si Ahmed ay isang international terrorist na may misyong paslangin si Pope John Paul II. Sa nadaang mga pagbisita ng mga pinakamataas na pinuno ng Iglesya Katolika noong 1970 at 1995, hindi exempted ang Pilipinas sa kapahamakang maaaring idulot sa mga Papa. At hindi rin exempted si Pope Francis. Kaya naman mahigit 20,000 pulis at 37,000 sundalo ang titiyak sa kaligtasan ng Papa mula sa pagdating at pag-alis nito sa bansa. Idalangin natin ang kanyang kaligtasan, saan mang sulok ng daigdig siya magpunta.

***

WALANG PAKIRAMDAM ● Noong magtungo ako sa Laguna, sumakay ako ng aircon na Saint Rose Bus sa terminal nito sa SouthStation Alabang. Hahangaan mo rin ang bus na iyon sapagkat may karatulang nakapaskil sa mga upuang nasa harapan na nagsasabing laan iyon sa mga pasaherong may kapansanan – kumpleto sa seatbelt at maginhawang kutson. Kaya hindi ako naupo roon dahil nga para iyon sa may kapansanan. Naupo ako sa likurang upuan ng espesyal na espasyong iyon. Ngunit may isang malaking able-bodied na lalaki ang naupo sa harap, sa tabi mismo ng aisle. Okay lang naman iyon kung walang disabled person ang sasampa sa bus. Eh, meron nga. Hindi man lang siya umusog sa upuang tabi ng bintana ang lalaki; iniusli lamang niya ang kanyang mga tuhod upang paraanin ang isang aleng naka-saklay. Napakawalang pakiramdam ng lalaking iyon. Kung hindi lang ako nakakikilala ng batas, ihahagis ko sa labas ng bintana ang lalaki at babayaran ko na lang ang damage na lilikhain ko sa salamin. Siyempre hindi ko ginawa nga iyon. Napailing na lamang ako. Ang lalaking iyon, na pakiwari ko ay tumatayong 5’ 10”, ay isa sa mga dahilan kung bakit hindi umuunlad ang Pilipinas. Marami sa atin ang walang pakiramdam sa kalagayan ng ating kapwa.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'