Dalawang insidente ng aberya sa eroplano ang naitala kahapon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ang una ay nang sumingaw ang hangin sa gulong ng Piper Actec light aircraft na may tail number RP-C5595 sa paglapag nito sa Sangley airport dakong 11:05 ng umaga mula sa Busuanga, Palawan.
Ayon sa CAAP, ligtas ang piloto na si Capt. Ely Yango at dalawang pasahero nito na may dalang 33 kahon ng buhay ng Lapu-lapu nang napadpad sa madamong bahagi ng runway.
Samantala, patungong Bacolod City nang mag-isyu ng notice of bird strike ang Cebu Pacific A-320 aircraft dakong 7:42 ng umaga, dahilan upang agad itong bumalik sa Manila airport.
Ligtas na nakalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Cebu Pacific aircraft na lulan ang 104 na pasahero at anim na crew dakong 7:55 ng umaga.
Muling nakalipad patungong Bacolod ang eroplano dakong 9:40 ng umaga, ayon sa aviation officials. - Ariel Fernandez