Sumulat kahapon ang Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) sa kinaaanibang internasyonal na asosasyon na Amateur International Boxing Association (AIBA) upang humingi ng opinyon hinggil sa kautusan na hindi na dapat isali sa Southeast Asian Games ang boksingerong sumasabak sa propesyonal na torneo.

Sinabi ni ABAP Executive Director Ed Picson na humingi sila ng kaliwanagan sa AIBA hinggil sa nakasaad na tanging sa Continental, Asian at Olympic Games na lamang maaring sumabak ang mga boksingero na kumakampanya sa AIBA Pro-Boxing at World Series of Boxing.

“We are really trying to get clarification from AIBA with regards to the matter,” sabi ni Picson matapos na batikusin ang ABAP dahil sa desisyon na hindi isali sa darating na 28th SEA Games sa Singapore sina Mark Anthony Barriga at Charly Suarez, kapwa potensiyal na boksingero pagdating sa medalya.

Agad na tumawag kay Picson si Philippine Olympic Committee (POC) 1st Vice-President Joey Romasanta ukol sa hindi pagsali ng dalawang boxers na mas pinili pang sumabak sa torneo na may nakatayang premyo sa kada laban kumpara sa pagprisinta sa bansa sa kada dalawang taong SEA Games.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Hindi naman iyon basta-basta tournament lang sila kasali. Isa iyong Olympic ranking event kung saan nakataya ang silya para sa automatic na kuwalipikasyon sa Olympics,” pahayag ni Picson.

“Iba na rin kasi ang level ng tournament na iyon dahil Top 8 sa buong mundo ang kalaban mo,” giit pa nito.

Una nang sumabak sa AIBA Pro-Boxing sina Barriga at Suarez bagamat nabigo sa kanilang ikatlong laban kung saan isang panalo na lamang ay masusungkit nila ang nakatayang silya sa Olympics.

“Hindi naman guarantee na kahit nandoon sa SEA Games sina Barriga at Suarez ay masisiguro natin ang ginto. Saka dapat tayong matuwa dahil Olympic o mataas na level na ang tournament na sinasalihan nila at mabibigyan natin ng pagkakataon ang mga kasunod nila na iprisinta ang bansa,” saad ni Picson.

Ang 21-anyos na si Barriga ay maraming katimbang sa 49 kg class gayundin din sa 26-anyos na si Suarez na maraming nakalinya sa 60 kg division. Nakalinya sa puwesto ni Barriga sina Rogen Ladon at Aldren Moreno habang sa puwesto ni Suarez ay sina Junel Cantancio at James Palicte.

Matatandaan na huling nabigo sina Barriga at Suarez na makatuntong sa 2016 Rio de Janeiro Olympics matapos na kapwa mabigo sa kanilang laban para sa Top 2 spot sa ginaganap na ranking tournament na AIBA Pro Boxing.

Si Barriga ay una nang nakuwalipika sa 2012 London Olympics at nag-uwi ng tanso sa 2014 Asian Games sa Incheon matapos na kubrahin ang ginto noong 2013 SEA Games sa Myanmar.

Ang two-time SEAG champion (2009 at 2011) na si Suarez ay nagkasya lamang sa pilak sa Incheon.