Pinaalalahanan ng isang obispo ang mga deboto ng Itim na Nazareno na magpakita ng disiplina kay Pope Francis sa kanilang paglahok sa Traslacion 2015 para sa Mahal na Poong Nazareno ngayong Biyernes.
Ito ay kasabay ng ilang pagbabago na ipinatupad ng mga organizer ng Traslacion 2015 sa ilang aktibidad para sa Pista ng Nazareno.
Sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na ngayong nalalapit na ang pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas ay dapat na samantalahin ng mga Pinoy ang Traslacion upang ipakita ang kanilang disiplina sa kanilang debosyon.
“With his visit just nearing, let’s also take the Quiapo fiesta as an opportunity to show to the Holy Father that Filipinos have discipline in terms of their devotion, and know that it brings them closer to God and their neighbors,” ani Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Nanawagan pa ito sa mga deboto na isapuso at isabuhay ang tunay na kahulugan ng kanilang pananampalataya sa Poong Nazareno sa pamamagitan ng panalangin, sakripisyo, pagsisisi at pagbibigay.
Samantala, ilan naman sa mga pagbabagong ipinatupad ng mga organizer ng Traslacion ay ang maagang pagsisimula ng ‘pahalik’ sa imahen na taunang isinasagawa sa Quirino Grandstand.
Dakong 4:00 ng madaling araw kahapon nang simulan ang “Pahalik” sa imahen ng Poong Nazareno mula sa dating 1:00 sa bisperas ng Traslacion.
Dalawang imahen din ng Nazareno ang inilagay sa entablado ng Quirino Grandstand upang maging mas mabilis ang pahalik at mas maraming deboto ang makalapit sa imahen. Ito ang unang pagkakataon na dalawang imahen ang ginamit sa pahalik.
Ayon kay Father Ric Valencia, parochial vicar ng Quiapo Church, ang orihinal na imahen ay kasama sa pahalik, ngunit hindi ito isasama sa prusisyon