BAGUIO CITY – Bad news para sa mga mountaineer. Fully booked na ang Mt. Pulag sa nagplaplanong umakyat ng weekends nitong Enero hanggang Abril. Ang abiso ay ipinalabas para ipaalam sa mga organizer at hikers, upang hindi masayang ang kanilang plano na umakyat ng Mt. Pulag ng weekend, gayunman sa weekdays ay available ang slots.

Ayon kay Mering Albas, superintendent ng Mt. Pulag Protected Area, inaasahan na nila na tuwing Enero hanggang Mayo ang pagdagsa ng mountaineers, dahil summer season at maganda ang formation ng clouds.

Aniya, mas mapapabilis ngayon ang biyahe ng mga mountaineer patungong ranger stations dahil malaking bahagi ng kalsada mula sa bayan ng Bokod, patungong ranger station ay sementado na.

Ang Mount Pulag, bilang 3rd highest mountain in the Philippines at pangalawa sa highest peak sa Luzon sa taas na 2,922 meters above sea level, ay matatagpuan sa hangganan ng Benguet, Ifugao at Nueva Vizcaya at malaking bahagi nito ay sinasakop ng mga bayan ng Bokod at Kabayan sa Benguet.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

May apat na major trails patungo sa summit, ang Ambangeg, Akiki at Tawangan trails mula sa Benguet at ang Ambaguio trails mula sa Nueva Vizcaya. Ang mga landas na ito ay pinamamahalaan ng Mount Pulag National Park sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.

“Limitado sa 350 katao lamang ang puwedeng umakyat ng Mt. Pulag kada araw, ayaw na naming lampasan pa ito, para naman mas lalong ma-enjoy ng mga turista ang lugar na ito,” wika ni Albas.

Sa talaan, noong 2013 ay may 16,332 ang umakyat sa Mt. Pulag at sa nakaraang Enero hanggang Setyembre 2014 lamang ay umabot ito sa 17,105. - Zaldy Comanda