Imbes na magsagawa ng open tryout, nagdesisyon kahapon ang Philippine Olympic Committee (POC) na tukuyin na lamang ang mga pangunahing manlalaro na siyang bubuo sa komposisyon ng pambansang koponan na isasabak sa iba’t ibang internasyonal na torneo, partikular sa nalalapit na 28th Southeast Asian Games.

Ito ang napagdesisyunan kahapon matapos makipag-usap sa iba’t ibang stakeholders at miyembro ng coaching staff na si POC first vice president Joey Romasanta kung saan ay sinag-ayunan nito ang mungkahi upang huwag nang isagawa ang open tryout dahil sa kakulangan na rin ng panahon at pagtatatapos ng deadline for accreditation para sa kada dalawang taong torneo.

Itinakda ang deadline sa pagsusumite ng listahan ng mga lalahok sa bawat bansa noong Disyembre 12 para sa Singapore SEA Games na gaganapin sa Hunyo 5-16.

Pinag-usapan din nina Romasanta, na inatasan mismo ni POC president Jose "Peping" Cojuangco, at mga opisyal ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at International Volleyball Federation (FIVB) na buuin ang isang bagong pederasyon na siyang ipapalit sa nagkakagulong Philippine Volleyball Federation (PVF).

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Idinagdag ni Romasanta na iimbitahan mismo ng itinalagang national coaches na sina Roger Gorayeb at Sammy Acaylar ang kabuuang 25 pinakamagagaling na batang volley players para maging bahagi ng National Team.

Ilan sa mga nasa listahan ang magkapatid na sina Dindin at Jaja Santiago mula sa National University (NU) at maging sina Kim Fajardo, Ara Galang at Mika Reyes ng De La Salle University (DLSU) at Alyssa Valdez na mula sa Ateneo de Manila University (ADMU).

Kasama din sa iimbitahan sina Nicole Tiamzon ng University of the Philippines (UP), Julia Morada ng Ateneo, Frances Molina ng San Beda College (SBC), Mina Aganon ng NU, Abigail Praca ng University of San Jose-Recolletos (USJ-R) sa Cebu, Mylene Paat ng Adamson University (AdU), Honey Royse Tubino ng University of Perpetual Help, Jessie De Leon ng University of Santo Tomas (UST), CJ Rosario ng Arellano University (AU), Tin Agno ng Far Eastern University (FEU), Marlene Cortel ng Adamson at Jannien Navarro ng College of Saint Benilde (CSB).

Upang dagdagan ang ekspiriyensa at tibay ng koponan, isasama sa batang koponan ang mga beteranong sina Rachelle Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga at Mary Jean Balse na mula sa Philippine Army (PA).

"We will no longer push through with the tryout because everybody is busy with their respective leagues," sinabi ni Romasanta, spokesperson ng POC at siya ring pinuno ng Philippine Karate Federation (PKF). "We're rushing to form the team because time is not on our side. The deadline for the submission of SEA Games accreditation had already lapsed and we have to come up with a volleyball team within this week."